Pages

Thursday, May 12, 2005

Mga Bespren kong Pipi

Hindi ko pinili ito pero siguro, ito talaga ang nakatadhana sa akin. Ang kama ko ang isa sa mga pinakamatatalik kong kaibigan. Siya ang nakakaalam ng mga pinakatatago kong mga sikreto. Alam niya kung ilang ulit na akong umiyak. Alam rin niya kung paano akong kiligin, o matuwa. Alam niya kung ilang ulit ko nang binalak pumatay, o magpakamatay.

Hindi naman sa may tendency akong maging murderer, o suicidal, ngunit siya lamang talaga ang nakabilang kung ilang beses na akong halos mamatay sa kakatawa, o kakaiyak, habang may kausap sa telepono't nakahiga ako sa kaniya. Siya rin ang nakakaalam kung ilang ulit ko nang binalak patayin ang mga alaala ng ilang lumipas na pagmamahal o pagkabigo, at alam niya rin kung bakit.

Ah, oo nga pala, hindi pala siya nag-iisa. Kasama rin niya ang aking mga unan at mga kumot. Ang mga unan ko ang nagsisilbing mga tiga-bilang ng mga luhang pumapatak sa aking mga mata. Sila rin ang nagtatakip sa aking mga tenga kapag may ayaw akong marinig, halimbawa'y ang pagtunog ng telepono, o ang ingay ng ate kong kumakanta tuwing umaga kahit sintunado paminsan-minsan. Ang mga unan ko rin tumutulong sa aking hindi makita ang maliwanag na sikat ng araw sa umaga. Ngunit sila rin ang tumutulong sa aking managinip at makatulog ng mahimbing sa gabi.

Ang mga kumot ko naman ang tagaprotekta sa akin mula lamig, o sa lamok, minsa'y pati sa kilabot ng mga pusang nagse-sex sa bubungan ng kapitbahay. Maingay ang mga ito't parang mga batang umiiyak. Pero nariyan naman ang aking mga pinakamatatalik na kaibigan. Ang kumot ko rin ang tumatalukbong sa akin sa dilim kapag bigla akong nagising sa gitna ng gabi dahil sa isang masamang panaginip. Ngunit higit sa lahat, siya ang nagsisilbing tigapahid ng aking luha.

Sa umaga, paggising ko pa lamang ay nariyan na sila't nagkakagulo. Mga salasalabat na unan at kumot sa ibabaw ng kamang sinamahan ako sa buong magdamag. At iiwanan ko silang ganyan ang ayos. Hindi ko sila nililigpit, kahit palaging sinasabi ng mommy ko. Ayoko kasing isipin nilang may paboratismo ako sa kung sinong maiipit sa ilalim o magiging matayog sa ibabaw kapag pinagpatong patong ko sila. Masyado kasi akong madaming unan at tatlong normal ang sukat at limang maliliit, yun bang throw pillows. Pero ang hindi nila alam ay may paborito nga ako sa kanila. Yun bang throw pillow na ang damit at tinahi ko mula sa malambot canvass at ginuhitan ko ng imahe ng boar incarnation of Vishnu mula sa tinta ng fountain pen, kaya nga hindi ko ito hinihigaan. At lalong hindi ko iniiyakan, sapagkat madali siyang marurumihan at baka kumalat ang tinta nito. Kaya nga hindi ko ito pinapalabhan sa labandera. Ako mismo ang maingat na maingat na naglalaba nito.

Kahit hindi sila sumasagot sa tuwing tinatanong ko ng "ano bang ginawa kong masama?" o ng "sa tingin mo, gusto kaya niya ako?" ay gusting gusto ko pa ring nagkukuwento sa kanila. At lalong hindi ko inililihim sa kanila ang mga galit ko't mga problema. Pero sa isang banda, ang hindi nila pagsagot ang nagbibigay sa akin ng tunay na kalayaang umiyak, o humagulgol sa gabi. Ang lambot nila ang nagpapahintulot sa akin na matuwa o manggigil sa kanila at kurut-kurutin, o yakapin ng naaapaaakahigpit! Nuong bata pa ako't umalis ang nanay ko papuntang ibang bansa, yakap ako ng yakap sa kanila. Pinagdidikit dikit ko yung malalaking unan at yayakapin ng mahigpit, mataba kasi ang nanay ko. Kunwari, sila iyon. At ako'y bigla na lamang maiiyak. Ganundin sa una kong boypren. Dalawang taong naging kami pero ni minsan ay hindi ko siya nayakap. Sabi ko, "pag nagkita kami ulit ay yayakapin ko siya ng ganito" at yayapusin ang mga unan. Naiiyak ako tuwing ginagawa ko iyon dati. Dating dati.

Pero ngayon naman, kapag namimiss ko na ang aking boypren ay kinakausap ko rin sila. At natutulog ng yakap yakap ang isa sa kanila. Nakangiti akong matutulog at nakangiti ring magigising. Pero tuwing makakaproblema, lahat ng unan ko'y nilalagay ko sa aking paanan. Ayokong may katabi. Isa lamang na ulunan at isang nasa tapat ng mukha, wari bang kinakausap. Nilalabas ko ang lahat ng aking emosyon. Ang mga luha, galit, at ginagamit ko ang unang katapat ng aking mukha upang takpan ang aking pagsigaw. Upang hindi ako marinig ng mga nasa kabilang kwarto. Mahirap kasing magkaroon ng boypren na Chinese. Lalo't ayaw sa Pilipina ng nanay niya. Hay naku.

Madami na akong naihingang sama ng loob sa mga unan kong ito. Marami nang pinawing pagod ang aking kama. At ilang bagyo na rin akong pinrotektahan ng aking mga kumot. Libu-libong luha na ang pumatak sa kanila. Libu-libong katuwaan na rin ang naipagdiwang ko ng kasama sila. Sila ang nakakaalam ng mga bagay na tanging ako lang ang may alam. Sigurado akong ganun ka rin sa kama mo. Mga bagay na ikaw at ikaw lamang ang nakakaalam. Pasalamat ka sa mga kasama mo sa gabi na tahimik kang dinadantayan para maidaos ang magdamag.

Kalahati ng araw ko'y sila ang lagi kong kasama. Napakarami na nilang nalalaman tungkol sa akin. Alam kong napakatibay na ng aming bonding at hindi na mawawala ang loyalty nila sa akin. Nasasaksihan nila ang mga tangka ko sa kamatayan, o sa mga muling pagkabuhay. Totoo ngang hindi ko ito pinili pero ang aking mga tahimik na kaibigan ang hinding hindi ako iniwanan kahit kailan. Sila nga ang mga tunay na makakapaglahad ng kwento ko kung sakaling minsan sa sobrang kasiyahan o kalungkutan ay ako’y matuluyan.

Mga Bespren kong Pipi
@ Peyups.com

No comments:

learn. live. hippie. gypsy. 60's. mod. native. world. music. crafts. performing arts. theatre. visual arts. bands. djembe. culture. literature. travel. activism. nature. trees. beach. vegetarian. red. yellow. green. earth. water. fire.
peace. love. rock and
roll.

word • text • writing • statement • anecdote • yarn • literature • narrative • thoughts • article • chronicle • copy • entry • story • history • fiction • expression • declaration • legend • tale • rumor • humor • lies • truth
• altum viditur